Ang buhay nga naman kung magbiro.
Akalain mong ikakalungkot ko ang bagay na hinihintay ng bawat estudyante.
Akalain mong ayaw ko nang dumating ang araw na ito.
Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkakaganito.
Basta ang alam ko lang, gumising ako isang araw na tumutulo na naman ang mga luha.
Pakiramdam ko pinaasa na naman ako sa isang bagay, isang pangakong hindi na naman natupad.
Akala ko matanda na ako, kaya nang tumayo sa sariling mga paa at hindi na iiyak kapag may laruang hindi naibigay ang mga magulang ko.
Pero sana nga isang laruan lang ang iniiyakan ko.
Naaalala ko nung bata pa ako, sinama ako sa mall ni Mama. May laruan akong nakita at gustong gusto ko yun pero sabi niya sa susunod na lang, sa sweldo, sa birthday ko, sa Christmas.
Iniyakan ko yun hanggang sa bahay pero ilang oras lang ay naging ok na ako. Nakalimutan ko na ang tungkol sa laruan. Ilang araw lang ang nakalipas, may uwi si mama. Isang laruan pero hindi yung gusto ko. Sumaya ako dahil kahit hindi yun yung pinapabili ko, may bagong laruan naman ako.
Sa tingin ko hindi dahil sa laruan yun, baka sumaya ako dahil alam kong gusto ako pasayahin ni Mama, na gusto niya bumawi.
Sana nga laruan na lang ang iniiyakan ko para maraming pwedeng pamalit, pambawi.
Ilang linggo na lang graduation ko na sa college. Nagtext si Mama sa akin na hindi sila makakapunta ni Papa.
Wala ata akong graduation picture na kasama ko sila pareho.
Selfish siguro kung titignan dahil may mas importanteng dahilan naman sila kung bakit hindi sila makakauwi.
Pero anong magagawa ko, nasaktan ako siguro dahil umasa ako at dahil na rin gusto ko silang makasama
sa isang importanteng araw para sa akin.
Ano nga ba ang importanteng araw kung wala naman ang mga taong magpapaimportante dito.




